Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki na nanaksak umano ng sarili niyang ina at kapatid sa Talisay City, Cebu.

Ayon sa pulisya, nagalit daw ito dahil hindi siya binigyan ng hinihingi niyang P20.

Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, nasabing sangkot din umano sa ilegal na droga ang suspek na si Jake Obrero, 29.

Humingi raw ng beinte pesos ang suspek sa kanyang ina pero tinaggihan niya ito. Nagalit daw ang suspek at kumuha ng kutsilyo at nanaksak.

Kuwento ng ina niyang si Mercedita: "Sabi niya, 'Ma, pahingi ng bente, bibili ako ng sigarilyo', [sabi ko] 'wala akong pera, Jake'. Nagalit siya at muntik na niya akong sinuntok. Dumating na 'yung isa ko pang anak, siya 'yung pumigil."

Tinamaan din ng kutsilyo ang kamay ng nakababatang kapatid ng suspek na umawat daw sa gulo.

"Namalayan ko na sinaksak na. nakaiwas din ako. Tapos nakakita ako ng madadaanan, tumakbo talaga ako palayo. Hinahabol pa rin ako. Pinatakbo ko mama ko. Sabi ko, 'takbo, ma, kasi aabangan ka niya," kuwento ni Jheepoy Obrero.

Desidido ang ina at kapatid ng suspek na magsampa ng kasi. "Ipapakulong ko talaga kasi hindi na kaya, nagdadala talaga siya ng gulo sa pamilya," sabi ni Mercedita.

Inamin naman ng suspek ang kanyang kasalanan. "Dahil talaga doon. Hindi niya ako binigyan." —NB, GMA News

Tags: