Nadakip na ang utak umano sa pagbugbog, pagpatay at pagtapon sa bangkay ng biktima sa Pasig river noong nakaraang taon. Ang suspek, nagtangka pang tumakas sa pamamagitan ng pagtalon din sa ilog.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang naarestong suspek na si Mark Lester Rodrigo, na mistulang basang-sisiw matapos na tumalon sa ilog para matakasan ang mga umaaresto sa kaniya.

Si Rodrigo ang itinuturong utak sa pagpatay sa 22-anyos na si Brian Reyes, noong Marso 2018 sa barangay Bambang, Pasig.

Ayon kay Police Lieutenant Jose Drexell Molina, commander-PCP 3, Pasig police, naglalakad lang ang biktima nang mapagtripan umano ni Rodrigo at ilan pa nitong kamag-anak.

"Sa takot ng mga (suspek) na malaman yung ginawa nilang pambubugbog, itinapon yung biktima sa ilog, itoy lumutang after three days sa Makati na," sabi ni Molina.

Nauna nang naaresto sa nakalipas ng mga buwan ang iba pang kasamahan ni Rodrigo sa krimen.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek.

Samantala, sa Pasig din naaresto ng mga awtoridad si John Macgyver Devila, na wanted sa kasong rape sa 14-anyos niyang kapitbahay sa President Roxas, Capiz noong September 2018.

Tumanggi ang suspek na humarap sa camera at magbigay ng pahayag. -- FRJ, GMA News