Inamin ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na siya ang lalaki sa isang litratong nakuha daw sa labas ng New Bilibid Prison.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras Weekend", sinabi ni Sanchez na ang larawan ay kuha noong nakaraang taon nang siya ay dinala sa ospital dahil sa sakit sa bato.

"Yan anak ay sa Osmun hospital nang ako'y lumabas last year. Nilabas ako sa Osmun gawa ng kidney ko," sabi ni Sanchez.

Isa ang Ospital ng Muntinlupa o Osmun sa mga pinagdadalhan ng mga presong nagkakasakit. 

Makikita sa litrato na may kasama si Sanchez na babae, Mayroon ding aircon, sofa at inumin.

Itinanggi naman ni Sanchez na siya ay nagdadamit babae na. 

"Di sana nakita mo akong nakapalda ako saka lipstick. Ba't naman ako magpapalda, e lalaking-lalaki ako," sabi ni Sanchez.

Pinanindigan ni Sanchez sa panayam na wala siyang kinalaman sa panggahasa at pagpatay sa mga estudyanteng sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez noong 1993.

Nitong nakaraang linggo ay umani ng batikos ang gobyerno matapos lumabas ang balita tungkol sa napipintong paglaya daw ni Sanchez dahil sa good conduct time allowance niya.

Sinabi na ng Malacañang na hindi siya kalipikadong makinabang sa naturang pribilehiyo sa ilalim ng Republic Act 10592. —NB, GMA News