Pauwi na galing Kuwait ang OFW na ina ni Fabel Pineda, ang 15-taong babaeng minolestiya at pinatay umano ng dalawang pulis sa Ilocos Sur, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Kuwento ng ina ni Fabel, malungkot siyang uuwi dahil wala nang buhay ang kaniyang anak.

Nagpasalamat naman siya sa lahat ng tumulong para mapabilis ang kaniyang pag-uwi.

Nangako ang lokal na pamahalaan ng Ilocos Sur na tutulong para makita niya agad ang kaniyang anak.

Magugunitang July 2 nang barilin si Fabel matapos ireklamo ang dalawang pulis ng pangmomolestiya sa kaniya at panggagahasa sa kaniyang kaibigan.

Tinanggal na sa serbisyo ang dalawang pulis, na kapwa nahaharap sa kasong murder. —KBK, GMA News