Inaresto ang isang pedicab driver matapos siyang ireklamo ng pangmomolestiya umano sa isang 12-anyos na babae sa loob ng halos isang taon sa Santa Mesa, Maynila.

Sa impormasyon mula sa Santa Mesa Police, kinilala ang suspek na si Anthony Hernandez, 31-anyos, nakatira sa isang compound sa nabanggit na lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagsimula ang pangmomolestiya umano ng suspek sa biktima na kalugar niya noon pang Hulyo 2019 at umabot hanggang unang linggo ng Marso 2020.

Sa ulat ni Manny Vargas ng Super Radyo DZBB, sinabing nagagawang makapasok ng suspek sa bahay ng biktima at doon isinasagawa ang pang-aabuso sa babae kapag natutulog.

 

 

Sinabi pa ng pulisya, pinupuntahan din ng suspek ang biktima sa eskuwelahan nito at pinagbabantaan sa tuwing nakikita niya na may kausap na mga kaklase.

Nang malaman ng isa sa mga pinsan ng biktima ang pangyayari, kaagad itong nagsumbong sa ina ng biktima at doon na sila nagsumbong sa mga awtoridad kaya inaresto ang suspek.

Isasailalim sa medical examination ang biktima para isasampang kaso laban sa suspek. --FRJ, GMA News