Inihayag ng Bureau of Corrections (BuCor) na buhay ang convicted car theft group leader na si Raymond Dominguez taliwas sa lumabas na unang impormasyon. Gayunman, tinamaan din umano ng COVID-19 si Dominguez.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing naunang inihayag ng Volunteers against Crime and Corruption (VACC) na may impormasyon silang nakalap na kabilang si Dominguez sa mga bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) ang pumanaw dahil sa COVID-19.

Pero ayon sa BuCor, inilagay si Dominguez sa isolation area matapos na magpositibo sa virus.

Si Dominguez ay isa umano sa mga lider ng Dominguez carnapping group na nasa likod ng pagdukot at pagsunog sa bangkay ng biktimang used-car dealer na si Venson Evangelista. 

Samantala, tumangging magbigay muna ng pahayag ang ina ni Dominguez.
Kabilang si Dominguez sa 258 na bilanggo sa NBP na tinamaan ng COVID-19.

Pumanaw na umano ang 21 sa kanila, na kinabibilangan ng ilang high profile inmates tulad ni Jaybee Sebastian.--FRJ, GMA News