Arestado ang isang barbecue vendor sa Mandaluyong City matapos itong ireklamo ng panggagahasa ng isa niyang tauhan, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Lunes.

Kinilala ang suspek na si Renato Castillo, na may warrant of arrest sa kasong rape. Itinanggi niya na rape ang naganap.

"Wala akong binitawang salitang pananakot at wala akong ginamit na mga bagay para siya ay matakot," aniya. "Sa buong buhay ko, sa 57 anyos eh, sa pag-iihaw ko... ilang tindera na ho ang naging tauhan ko pero walang ganung nangyayari."

Samantala, inaresto rin ng Mandaluyong Police ang isang lalaking inirereklamo ng pang-aabuso ng kaniyang misis. Nakapag-piyansa siya pero may protection order para hindi siya makalapit sa asawa.

Ayon sa pulisya, nadadalas ang domestic violence at sexual assault dahil sa lockdown. Babala nila sa mga mananamantala, mananagot sila sa batas. —KBK, GMA News