Patay ang isang walong-buwang sanggol na ihinulog umano mula sa pangalawang palapag ng isang bahay sa Bagong Silangan, Quezon City.

Bumagsak umano sa isang bakanteng lote ang sanggol, at narinig pa umanong umiiyak ng isang security guard bago matagpuang patay ang biktima.

Sa ulat ng "Unang Balita," dinala ng mga pulis sa Quezon City Police District Station 6 ang mag-live-in partner na pinaghihinalaang may kagagawan sa krimen.

Isinugod umano sa ospital ang babae dahil bigla itong dinugo habang nasa istasyon ng pulis.

Hindi pa nagbigay ng pahayag ang mga suspek. —LBG, GMA News