Isang bangkay ng lalaki na pugot ang ulo ang natagpuan sa isang sapa sa Baclaran, Paranaque, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes.

Tinitignan kung sa iisang tao ba ang bangkay at ang ulong natagpuan sa ibang bahagi ng barangay nitong nakaraang Lunes.

Natagpuan ang katawan matapos ireklamo ng mga residente ang nakasusulasok na amoy na nanggagaling sa sapa na akala raw nila ay basura lang.

"Pagresponde po natin, at nang nakuha natin yung allegedly yung mismong katawan diumano eh kinonfirm po natin sa ating mga kapulisan na positive ito ay salvage victim," ani Barangay Captain Jun Zaide.

"Meron siyang tattoo sa kaniyang kaliwa't kanan na braso at nakalagay po dito ay Angel po at Dela Cruz," dagdag pa ni Zaide.

Bukod sa pugot ang ulo, tila binalatan at tinanggalan daw ng lamang-loob ang biktima.

Ayon kay Zaide, malaki ang posibilidad na ang katawan at ang ulo na natagpuan nitong Lunes ay galing sa iisang tao. —KBK, GMA News