Isang babae ang nabiktima ng isang online seller na bigla na lang daw hindi nagparamdam matapos mabayaran, ayon sa ulat ni JP Soriano sa Unang Balita nitong Martes.

Kinakailangan daw ni "Mika" ng bed frame kaya siya naghanap nito online. Nakita raw niya ang post ng isang online seller sa Facebook.

Dahil maayos daw kausap ang seller, nakumbinse siyang ipadala ang kabuuang bayad na mahigit P5,000 gamit ang isang mobile wallet.

December 1 dapat ide-deliver ang item, pero hindi ito dumating. Nang subukang tawagan ni Mika ang seller ay hindi na niya ito na-contact.

"Binlock talaga ako kasi nung una nagri-ring ang number," ani Mika.

Ginamit din daw ng seller ang screenshot ng kanilang pag-uusap ni Mika para palabasin na lehitimo siya. Nalaman ito ni Mika nang tawagan siya ng ibang nabiktima ng seller.

Nangangamba ngayon si Mika dahil alam ng nanloko sa kaniya ang address at contact details niya. —KBK, GMA News