Patay ang isang babaeng kunduktor ng bus matapos siyang silaban ng nakaalitan niyang pasahero, ayon sa isang saksi sa insidente.

Sa salaysay ng saksi sa 24 Oras Weekend nitong Linggo, sinabi niyang nagpakamatay ang suspek sa pamamagitan ng pagsilab nito sa sarili.

"Biglang sinugod siya ng lalake, 'yung kaaway niya. Tinulak niya 'yung konduktora paganon, papunta sa dulo. Ngayon, itong babae na konduktora natumba siyang ganon tapos biglang pagtayo, tinulak niya rin 'yung lalake, 'yung kaaway niya," sabi ng saksi.

"Tapos itong lalake bigla na lang dumukot na may laman na gas. Bigla niyang binuhos unti-unti doon sa babae 'yung laman niya gas, sabay sinilaban niya 'yung babae... Pati 'yung lalake meron na pala. Balak niya siguro magpakamatay, niliyaban niya rin," dagdag pa nito.

Inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng dalawa.

Wala naman iba pang nasaktan sa insidente matapos maglabasan ang iba pang pasahero sa bintana ng bus.

Naganap ang insidente sa kahabaan ng Commonwealth Avenue nitong Linggo. --KBK, GMA News