Sugatan ang isa umanong snatcher matapos habulin at banggain ng biktimang taxi driver sa Commonwealth Avenue sa Quezon City nitong Lunes ng gabi, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.

Kinilala ang suspek na si Joshua Mendoza, na sugatan at hindi makatayo nang abutan ng rescue team matapos tumilapon sa kaniyang motorsiklo. Nakatakas naman ang kaniyang kasama.

Positibong kinilala si Mendoza nang biniktima nilang taxi driver na si Uldarico Obin. Ayon sa driver, nakatambay siya sa labas ng taxi niya nang hablutin nina Mendoza ang cellphone niya.

Aminado naman si Mendoza sa nagawang kasalanan.

Sugatan naman ang dalawang rider matapos madamay sa insidente. —KBK, GMA News