Nasabat mula sa kapwa 18-anyos na mag-live in partner sa Maynila ang aabot sa P850,000 na halaga ng party pills na ecstasy.

Iniulat sa "Unang Balita" ni Jonathan Andal nitong Miyerkules na parokyano ng live-in partners ay mga bata pa rin na party-goers na patagong nagpa-party sa mga hotel.

Nahuli ang dalawa sa Maynila at nakuha mula sa kanila ang aabot sa 500 tableta na ecstasy na tinatayang nagkakahalaga ng P850,000.

Parkoyano umano ng mga suspek yung mga dumalo sa in-house parties sa Quezon City, Caloocan, at Maynila.

Ayon sa mga pulis, may ilang managers ng hotel ang pasikretong pumapayag sa patagong setup ng parties habang bawal pa magbukas ang mga bar sa Kamaynilaan dahil na rin sa mga health protocol laban sa COVID-19.

Ayon sa mga pulis, online seller ng ecstasy ang mga suspek at kadalasang pinagbebentahan nila ang mga kabataang katulad nilang mahilig sa parties.

Pahayag ng suspek na lalaki, pinapa-dispose lang sa kanila ang mga droga. Tumanggi namang magbigay ng pahayag and babae. —LBG, GMA News