Isang babaeng dinukot ng mga hindi pa nakikilalang suspek noong Sabado sa Greater Lagro sa Quezon City ang nakaligtas.

Kuwento ng biktima, naglalakad siya noong gabing iyon pauwi na galing sa trabaho nang may tumigil na isang van, ayon sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Pagbukas ng pinto ng van, hinatak daw siya ng dalawang lalaki.

Kinuha ang kanyang bag at tinutukan siya ng kutsilyo.

"Noong pumapalag ako na sinakay po nila ako sa van, sinuntok ako ng isang lalaki sa tiyan. Tapos tinutukan ako ng kutsilyo banda dito sa dibdib," kuwento ng biktima.

Nang hindi nakatingin ang mga suspek, nakapag-text ang biktima sa kanyang live-in partner at kapitbahay para humingi ng tulong.

Narinig daw niya ang mga suspek na nagsabing pupunta sila sa Sta. Mesa para may kunin.

Pagdating doon, naramdaman ng biktima na may inilagay sa likod ng van.

Ito raw ay lalaking may piring sa mata. Nakatali ang mga kamay nito sa likod, may busal sa bibig, may dugo sa ulo at hindi raw gumagalaw. Mukha raw binugbog.

Noong madaling araw, kinuha raw ang lalaki para ilipat sa ibang sasakyan.

Doon na nakatiyempo ang babaeng biktima na makatakas at humingi ng tulong.

Nalaman niyang nasa Bulacan na pala sila.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.

"Basta itong grupo na kumuha sa kanya, parang nagre-report sa isang boss. Tuloy-tuloy pa po ang follow-up natin sa kasong ito," sabi ng isang police officer. —KG, GMA News