Kuha sa CCTV kung paano ibinagsak sa kalsada mula sa isang L300 van ang isang lalaki bago ito pagbabarilin at sabitan ng karatulang nagsasabing isa itong holdaper at miyembro ng "bukas-kotse."

Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Miyerkoles, makikitang isang lalaking naka-itim na damit ang bumaba sa L300 at hinila ang katawan ng isang lalaking nakapulang T-shirt na tila hindi na gumagalaw.

Kita rin sa CCTV na may isa pang lalaki sa loob ng L300 van, na hindi pa napaplakahan.

Pagbalik ng lalaking naka-itim sa sasakyan ay binaril nito ng ilang ulit ang biktima saka sila humarurot palayo.

Naganap ang insidente sa kanto ng Leon Guinto sa Barangay 692 sa Paco, Maynila, pasado 3 a.m. nitong Martes.

Ayon sa isang saksi, tatlong putok ang kaniyang narinig sa lugar.

Walang nakuha sa biktima na makapagsasabi kung sino siya.

"Sa ngayon ay wala pa tayong malinaw na data kung talagang ito ay involved sa series ng basag-kotse sa ating lugar," ani Police Captain Henry Navarro ng Manila Police District.

Dagdag pa ni Navarro, buhay pa ang biktima ng ilaglag sa kalsada at barilin. May senyales din daw na binugbog muna ito bago pinatay.

Apat na tama mula sa kalibre .45 ang tinamo ng biktima sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen. --KBK, GMA News