Patay na nang matagpuan ang dalawang kabataang lalaking napabalitang nawawala sa Maynila, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Martes.

Kinilala ang dalawang 15-anyos na biktima na sina Chormel Buenaflor at Carl Justine Banogon. Natagpuan ang bangkay nila na palutang-lutang sa Isla Puting Bato sa Parola Compound sa Tondo nitong nakaraang linggo.

Nakabalot ng tape ang mga paa, kamay at ulo ng mga biktima. Tadtad din sila ng saksak sa ulo at katawan, at may laslas pa sa leeg. Ang isa, ginuhitan pa raw ng smiley face sa katawan gamit ang ice pick.

Halos hindi na raw makilala ng mga kaanak ang dalawang biktima nang makita nila ang mga ito sa morgue dahil sa mga sugat na tinamo.

Ayon sa ama ni Chormel, "pinaglaruan na parang blackboard" ang kaniyang anak.

Gabi ng January 31 nang huling makitang buhay ang dalawa. Nagpaalam lang daw ang mga ito para maglaro ng basketball.

Blangko ang pamilya sa dahilan kung bakit brutal na pinatay ang dalawang binatilyo, na matagal na raw magkakilala. Hustisya ang panawagan nila. —KBK/KG, GMA News