Patay sa engkuwentro ang dalawang lalaking umano'y nangholdap sa isang restaurant sa Barangay Batasan Hills, Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes.

Ayon sa pulisya, hindi raw tumigil sa checkpoint ang dalawang lalaking lalaking nakasakay sa motorsiklo at sa halip ay nagpaputok pa ng baril.

Batay sa salaysay ng may-ari ng restaurant, kasasara lang ng restaurant bandang 11 ng gabi nitong Miyerkoles nang pumasok ang dalawang armadong lalaki.

Bukod sa dalawa, may apat din daw na nagsilbing lookout sa labas ng restaurant. Aabot sa P5,000 kita ng restaurant ang natangay ng mga suspek.

Nagkabukol ang biktima matapos siyang hampasin ng baril sa ulo ng isa sa mga suspek.

Positibong kinilala ng biktima ang mga napatay na suspek na kabilang sa mga nanloob sa restaurant niya.

Wala namang nakitang pagkakakilanlan ang dalawang napatay na suspek—KBK, GMA News