Arestado ang isang Grade 11 student sa isang buy-bust operation sa Quezon City habang nakatakas naman ang target ng mga operatiba, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.

Mahigit P130,000 halaga ng shabu ang nakuha mula sa suspek na may edad 18 anyos, na ayon sa pulisya ay isa lang "runner" ng ipinagbabawal na gamot.

Giit ng suspek, hindi siya gumagamit o nagtutulak ng shabu. Aniya, napag-utusan lang siyang iabot ang droga sa nagpanggap na buyer.

"Matanda po yung nag-abot sa akin pero yung aabutan ko bata," anang suspek, na isang Grade 11 student.

Dagdag pa ng suspek, hindi niya alam na droga pala ang kaniyang iaabot. Isang alyas Nidz daw ang nag-utos sa kaniya.

Hindi na inabutan ng mga pulis si Nidz sa bahay kung saan nangyari ang buy-bust.

Kilala raw si Nidz na tulak ng shabu sa Barangay Culiat at Holy Spirit. —KBK, GMA News