Dinagdagan pa ni Speaker Lord Alan Velasco ang bilang ng kaniyang deputy speaker matapos ihalal sa naturang posisyon ang isang kongresista mula sa Laguna.

Sa deliberasyon ng sesyon sa plenaryo nitong Huwebes, idineklara si Biñan City Representative Marlyn "Len" Alonte, na ika-33 deputy speaker ni Velasco--pinakamarami sa kasaysayan ng kapulungan.

Kasabay nito, itinalaga namang deputy majority leader Quezon City Representative Jesus "Bong" Suntay.

Ang deputy speaker ang itinuturing pangalawa sa pinakamataas na puwesto sa Kamara de Representantes at may natatanggap na karagdagang pondo para sa kaniyang tanggapan.

Karaniwang humahalili ang deputy speaker sa pamamahala sa sesyon kapag wala ang speaker.—FRJ, GMA News