Arestado ang isang 57-anyos na lalaki sa Quezon City matapos umanong molestiyahin ang isang 7-anyos na batang lalaki na kapitbahay niya.

Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, nabisto ang krimen nang magsumbong ang biktima sa kaniyang lola.

Batay sa imbestigasyon, naganap ang pangmomolestiya nang pumasok sa trabaho ang ama ng bata at umalis naman ang lola para magtrabaho bilang labandera.

Binibigyan daw ng pera o pagkain ng suspek ang biktima para pumasok sa kanyang bahay.

Umamin ang suspek na dalawang beses na niyang minolestiya ang bata. Una raw noong Pebrero at pagkatapos ay nitong nagdaang weekend.

Naisampa na ang mga reklamong rape at child abuse laban sa suspek.  —KBK, GMA News