Nahablutan ng wallet at cellphone ang isang babae sa Tondo, Maynila, habang nakasakay sa tricycle, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Martes.

Natangay sa biktima ang cash na mahigit P100,000 na ide-deposito sana sa bangko.

Nang maisumbong sa pulisya ang insidente, inisa-isa ng mga pulis ang mga CCTV sa mga dinaanan ng suspek bago ang pagnanakaw hanggang sa matunton nila kung saan ito nanggaling.

Kalaunan ay nahuli ang suspek na nakilalang si JV Jimenez, 25 anyos at walang trabaho. Dati rin siyang nag-aaral ng kursong criminology.

Nabawi sa suspek ang cellphone ng biktima pero sira na ito. Aniya, nagipit lang siya kaya niya nagawa ang pagnanakaw.

Hindi naman naibalik ang nanakaw na cash pero nangako raw ang mga kaanak ng suspek na susubukan nilang ibalik ito kapalit ng kaniyang kalayaan.  —KBK, GMA News