Nakapagtala ang Pilipinas ngayong Lunes ng 8,292 na mga bagong kaso ng COVID-19. Ito na ang pinakamababa sa nakalipas na anim na buwan.

Ayon sa anunsyo ng Department of Health,  naitala noong April 29, 2021, ang pinakamababang daily new cases na 8,276.

Sa naitalang 8,292 na mga bagong kaso nitong Lunes, naitala naman ang mga aktibong kaso COVID-19 sa 98,894.

Sa naturang bilang, 74.4% ang mild cses, 15% ang asymptomatic, 3.2% ang severe, at 1.3% ang kritikal ang kalagayan.

Samantala, 36 na pasyente naman ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi para sa kabuuang bilang na 39,660.

Nasa 302 lang ang nadagdag sa bilang ng mga pasyenteng gumaling.

Mayroon pang dalawang laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng kanilang datos sa tamang oras.—FRJ, GMA News