Kakaibang content ang naisipan ng isang vlogger dahil mga sementeryo ang kaniyang pinupuntahan. Pero hindi niya inasahan na makikita niya sa isang sementeryo sa Mindanao ang mga larawan at listahan ng pangalan ng mga biktima umano ng kulam na nakasiksik sa bungo.

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, kinilala ang vlogger bilang si Master Gala, na sa halip na gumala sa mga magagandang pasyalan sa Pilipinas, mga sementeryo ang kaniyang pinupuntahan.

Hanggang sa puntahan nga niya ang isang sementeryo sa Mindanao at makita ang isang lugar doon na may malaking krus na itim. Sa ibaba nito, may mga sunog na bagay, kasama na ang isang bungo na may mga patak ng itim na kandila.

Nang suriin niya ang bungo, doon na nila nakita ang mga larawan ng mga tao, at listahan ng mga pangalan na natuklasan na magkakaanak.

Ang ilang litrato, may marka ng ballpen sa iba't parte ng katawan, at mayroon ding larawan na may mga nakatusok na tila aspile.

Nag-shoutout si Master Gala sa mga nanonood sa kaniya sakaling may nakakakilala sa mga nasa larawan at listahan ng mga pangalan.

Hindi naman nabigo si Master Gala dahil isang Ilyn, ang nagkumpirma na siya ang babae sa larawan at mga kamag-anak niya ang iba pang nasa larawan at maging ang mga pangalan na nasa listahan.

Pag-amin ni Ilyn, sa mga nagdaang araw, may kakaiba silang naramdaman tulad ng pagkawala ng lasa at pang-amoy. Nagkaroon din sila ng lagnat.

Pero paglilinaw niya, hindi sila tinamaan ng COVID-19 dahil negatibo ang resulta ng kanilang swab test.

Mayroon naman daw silang kaanak na nasa listahan na hindi nagkasakit dahil mali ang spelling ng kanilang pangalan.

Upang malaman kung sino ang umano'y kumulam o nagpakulam sa kanila, humingi si Ilyn ng tulong sa isang albularyo. At sa pamamagitan ng "pagtawas," nabuo ang imahe ng tao na umano'y kinalaman sa pagkulam sa kanila.

Isang matandaang babae rin ang lumantad at umamin na siya ang inutusan na maglista ng pangalan nina Ilyn at mga kamag-anak niya.

Matukoy kaya nila kung sino ang hinihinalang kumulam sa kanila at bakit sila ipinakulam diumano? Panoorin ang nakakakilabot na kuwento sa video.

--FRJ, GMA News