Patay sa pamamaril ang isang kagawad ng Barangay Rosario, Pasig City nitong Huwebes ng hapon, ayon sa mga awtoridad.

Sa ulat Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Niki Cruz, na nakaupo lamang umano habang nakikipag-usap sa ilang mga residente nang biglang lapitan ng salarin at paputukan sa ulo. 

Ayon sa kaibigan ng biktima, posible umano na may kinalaman sa kampanya ni Cruz laban sa iligal na droga ang motibo sa krimen.

Nakatanggap umano ng mga banta sa kanyang buhay si Cruz bago ang insidente.

Iniimbestigahan na ng mga pulis ang insidente. —LBG, GMA News