Patay sa pamamaril ng riding in tandem ang isang punong barangay sa harap ng kaniyang tindahan sa Caloocan City. Ang mga salarin, nagpaputok pa ng baril paitaas habang tumatakas.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Geraldo Apostol, chairman ng Baragay 143.

Sugatan naman matapos tamaan ng bala sa hita ang kaniyang asawa.

Nakunan sa CCTV ang mga salarin na sakay ng motorsiklo nang dumating sa mataong palengke dakong 6:00 pm nitong Lunes.

Maya-maya lang, nagkagulo na ang mga tao nang pagbabarilin na ang biktima.

Kuwento ng isang saksi, pasakay na sa motorsiklo ang gunman pero binalikan pa muli ang biktima at pinagbabaril ulit.

Habang tumatakas, nagpapaputok paitaas ang gunman na angkas para mapaalis ang mga nakaharang sa kanilang daanan.

Blangko naman ang pamilya at mga katrabaho ng biktima sa posibleng motibo ng krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen.--FRJ, GMA News