Isang lalaki ang natagpuang patay sa Payatas Road, Quezon City bandang alas dos ng umaga nitong Martes.

Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News, inakala pa ng mga barangay tanod na rumoronda na lasing lang at nawalan ng malay ang nakadapang lalaki.

“Pagsipat namin nakita na namin agad (na) may tama sa ulo. 'Di na namin ginalaw,” sabi ni deputy barangay public safety officer Reynold Mendiola.

Natagpuan ang biktima na nakatali ang kamay at may nakapulupot sa leeg na tela na ginamitan ng screwdriver para mabuhol ito. May mga tama rin sa ulo ang biktima.

Walang nakitang pagkakakilanlan para sa 5'7" na lalaki.

Hinihinalang 30 hanggang 35 taong gulang ito. Nakasuot ito ng T-Shirt, itim na shorts, at may mga tattoo sa kaliwang dibdib, binti at kamay.

"'Di po namin kilala 'yan, sir. Tinapon lang dito 'yan kasi matagal na. Wala namang dugo na ano, sir, eh. Tingin natin matagal na. Mga ilang oras na nakalipas siguro bago tinapon 'yan dito,” ani Mendiola.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Quezon City Police Department Station 13 at Criminal Investigation Detection Unit ang insidente. —Jiselle Anne Casucian/KG, GMA News