Isang lalaking may tama ng bala sa ulo ang natagpuang patay sa kalsada ng Brgy. Holy Spirit, Quezon City Martes ng madaling araw.

Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita, may natanggap umanong report ang mga rescuers mula sa isang motorcycle rider na nakakita sa lalaki. Unang inakala na hinimatay o inatake sa puso ang biktima.

Pasado ala-una ng madaling araw nang dumating ang rescuers at isinakay sa spine board ang biktima. Habang hinahanapan ng pagkakakilanlan ang lalaki, may nakita umanong dalawang plastik na naglalaman ng shabu sa bulsa nito. Nadiskubre rin ang tama ng bala sa ulo ng biktima.

Tinatayang nasa edad 40 ang biktima at may taas na 5’4”.

Ayon sa ulat, wala pang makakapagsabi kung sino ang nasa likod ng krimen. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng Quezon City Police Station 14 at Criminal investigation and Detection Unit sa insidente.—Sherylin UntalanAOL, GMA News