Patay ang isang janitor matapos barilin at mahulog pa sa condominium building sa Makati City, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Martes.

Kinilala ang biktima na si Ronald Tolo, 38.

Nasa isang pagtitipon daw si Tolo para sa kaarawan ng isang kasamahan nang magkaroon sila ng pagtatalo ng suspek na si Dionisio Tabla, 51, isang guwardiya.

Sa init ng pagtatalo ay pinagbabaril ng suspek si Tolo, dahilan para mawalan ito ng balanse at mahulog mula sa rooftop ng gusali sa Sotto Street sa Barangay San Lorenzo.

Natagpuan sa lugar ang limang basyo ng bala at caliber .38 na ibinato sa madamong bahagi ng gusali.

Nakipaghabulan pa umano si Tabla sa mga pulis bago tuluyang maaresto. Inamin naman niya ang krimen ngunit iginiit niya na hindi lang niya napigilan ang sarili dahil nakainom daw siya.

Lubos naman ang hinagpis ng limang-buwang buntis na asawa ng biktima nang makita ang bangkay ng mister. —Sherylin Untalan/KBK, GMA News