Inaresto sa Maynila ang isang 44-anyos na ama matapos siyang akusahan ng panghahalay sa sarili niyang anak na babae na 11-taong-gulang.

Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing isang taon na umanong ginagawa ng suspek ang pang-aabuso sa anak.

Napag-alaman na hiwalay sa asawa ang suspek at sa kaniyang naiwan ang tatlo nilang anak.

Ayon sa suspek, hinihipuan lang niya ang kaniyang anak at hindi niya ginalaw.

Nagawa daw niya iyon dahil sa pangungulila sa kaniyang asawa.

Inamin din ng suspek na gumagamit siya ng ilegal na droga.

Desidido naman ang ina ng biktima na sampahan ng kaso ang kaniyang dating asawa.

Hindi raw kaagad nakapagsumbong ang kaniyang anak dahil sa takot, at hindi rin batid na mali ang ginagawa sa kaniya ng ama.

"Gusto ko siyang mabulok sa kulungan," ayon sa galit na ina ng biktima.

Labis naman ang pagsisisi ng suspek sa ginawa at humiling siya na mapatawad sana siya.

--FRJ, GMA News