Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na natupad niya ang karamihan sa kaniyang mga ipinangako sa mga Filipino bilang lider ng bansa.

"My term is nearing its end, I can say with a little bit of pride, halos lahat na pinangako ko, natupad ko," deklara ni Duterte sa inagurasyon ng 143 Social and Tourism Ports at Zamboanga City Seaport Development Project nitong Huwebes.

"Dito na lang sa peace and order...pero as long as there are men in this planet, there will always be misdeeds and wrongdoings committed by human being. Be that as it may, I tried my best. Di ko naman sabihin na ano, mukhang nakumpleto ko halos lahat ng pinangako ko sa taong bayan. Salamat," dagdag niya.

Ang pagpuksa sa ilegal na droga ang isa sa mga ipinangako ni Duterte nang tumakbo siyang pangulo noong 2016 elections.

Sa ilalim ng kaniyang administrasyon, nagdeklara siya ng giyera kontra-droga na nagresulta sa pagkakahuli at pagkamatay ng libu-libong katao sa anti-drug operations ng mga awtoridad.

Nagsasagawa ang International Criminal Court (ICC) ng imbestigasyon laban sa Duterte administration dahil sa umano'y "crimes against humanity" kasunod ng mga kampanya laban sa droga.

Kasalukuyang ipinagpaliban ng ICC ang isinasagawa nilang imbestigasyon matapos na hilingin ng pamahalaan ng Pilipinas dahil sa sariling imbestigasyon na ginagawa ng kinauukulang ahensiya ng gobyerno.

Ayon kay Duterte, hindi siya makikiisa sa isinasagawang imbestigasyon ng ICC.

"I am a Filipino. If there is somebody who will prosecute me, it is the Philippine prosecution service," giit niya.

"Pilipino lang puwede magpakulong sa akin. Parang hotel raw kulungan nila [sa abroad]...[pero]dito ako sa Muntinlupa [New Bilibid Prison]. Ipatapos ko ang tattoo ko rito sa kamay. May bulaklak ako, ginagamit ko 'pag maglandi, ipanagyayabang ko tattoo ko," patuloy niya.

Magtatapos ang termino ni Duterte bilang pangulo sa June 30, 2022.—FRJ, GMA News