Nasawi ang mag-ina sa Quezon City nang hindi sila makalabas sa nasusunog nilang bahay kaninang madaling araw.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang trahediya sa Barangay Mariana, dakong 5:00 am.

Hindi na umano nakalabas ng kuwarto ang ginang na 67-anyos, at anak niyang babae na 42-anyos.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa unang palapag ng bahay.

Nakalabas ng bahay at nakaligtas ang kasambahay ng mga biktima.

Nasunog din ang dalawang nakaparadang sasakyan.

Inabot lang ng unang alarma ang sunog at naapula rin pagkaraan ng may isang oras.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog at halaga ng pinsala nito.--FRJ, GMA News