Dalawang bangkay ng lalaki ang natagpuan ng mga pulis sa isang barangay sa Quezon City kaninang madaling-araw.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita, sinabing hindi pa tukoy ng mga awtoridad ang pagkakilanlan ng dalawang bangkay na natagpuan sa Barangay Masambong.

Hawak na umano ng mga pulis ang kopya ng CCTV footage kung saan nahagip ang pagdating ng apat na sasakyan sa lugar.

Batay sa ulat, magkapatong nang matagpuan ang mga bangkay at may karatulang may nakasulat na "Mandurukot at huwag tularan."

Natagpuan ng mga rumorondang pulis-QCPD Station 2 ang dalawang bangkay dakong alas-dos ng madaling-araw.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, may mga sugat sa dibdib ang mga biktima at inaalam pa kung mga tama ng bala o saksak ang dahilan ng mga sugat. —LBG, GMA News