Sinabi ni Vice President Sara Duterte nitong Biyernes na hindi siyang mag-e-endorso ng kandidato sa pagka-senador sa darating na 2028 national elections.

Nauna nang nagpahayag si Duterte na tatakbo siya sa pagkapangulo sa 2028. Aniya, ayos lang sa kaniya kung wala siyang magiging kakampi sa Senado sakaling siya ang manalong presidente.

“Hindi na ako mangampanya ng senador dahil pagod na ako sa kanila,” sabi ni Duterte sa isang press conference.

“I will not campaign sa senator… Okay lang wala akong kaalyadong senator,” dagdag niya.

Sinabi rin ng Bise Presidente na wala pa siyang napipiling maging running mate.

Gayunman, sinabi niyang makatutulong kung magkakaroon siya ng running mate na mapagkakatiwalaan niya.

Nililitis ngayon ng Senado bilang impeachment court si Duterte. Inasahang matatapos ang paglilitis ngayong Disyembre, at maglalabas ng hatol ang mga senator judge kung guilty o not guilty ang pangalawang pangulo.

Kung guilty ang hatol, mapapatalsik si Duterte bilang bise presidente at hindi na maaaaring tumakbo sa ano mang posisyon sa gobyerno.

Sinabi ni Duterte na naghahanda na sila sa magiging hatol at igagalang nila ang magiging desisyon ng impeachment court. —FRJ GMA News