Nasawi ang isang 48-anyos na lalaki matapos siyang pagbabarilin ng mga salarin na sakay ng motorsiklo sa Santa Barbara, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng kaniyang tricycle ang biktima dakong 12:00 kagabi nang mangyari ang krimen.
Mabilis na tumakas ang mga salarin na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan matapos ang pamamaril.
Nagtamo naman ng pitong tama ng bala ng baril ang biktima na hindi na umabot nang buhay sa ospital.
Tumangging magbigay ng pahayag ang kaanak ng biktima, at hindi rin muna nagbigay ng iba pang impormasyon ang pulisya tungkol sa krimen habang nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon. – FRJ GMA News

