Isa ang patay at isa ang sugatan sa pamamaril sa Barangay Tutukan, Taguig City pasado alas-10 nitong Huwebes ng gabi.

Iniulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes na pinagbabaril ang mag-live in partner na sina Richard Propitales at Shaira Mae Isip ng mga hidi pa kilalang mga salarin.

Ang kapatid na lalaki ng napatay na si Richard ang unang dumating sa crime scene.

Isinugod pa sa ospital ng kapatid na kinilalang si Richie si Richard, pero dead on arrival na ito.

Ligtas naman umano si Shaira Mae, ang live-in partner ni Richard.

Blangko naman ang mga kaanak ni Richard kung ano ang motibo sa pamamaril.

Iniimbestigahan na ng mga pulis ang insidente. —LBG, GMA News