Arestado ang isang lalaki sa Bagumbong, Caloocan dahil sa pangmomolestiya umano sa kanyang 12-anyos na stepdaughter habang nasa kulungan ang ina ng biktima.

Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes, inaresto ang 40-anyos na suspek matapos magsumbong ang biktima sa kanyang lola.

Pumunta raw ang biktima na umiiyak at takot na takot sa bahay ng kanyang lola.

“Nag-iiyak po siya at takot na takot. Ayaw po siyang magsalita, puro lang siyang iyak,” sabi ng lola ng biktima.

“Ang sabi ko, 'Ano bang ginawa sa 'yo? Ginulpi ka ba?' Hindi rin po siya nagsalita. Noong pinainom ko po siya ng tubig hanggang sa mahimasmasan, ganu'n nga daw po, minolestiya siya nu'ng stepfather niya," dagdag niya.

May nakuha rin umanong 10 gramo ng shabu na nagkakahalagang P68,000 mula sa suspek, ayon sa pulis. Kasama rin daw ang suspek sa drug watch list.

Nakulong din ang ina ng biktima noong Pebrero dahil din sa droga.

“While nakakulong dito 'yung nanay niya, so naiwan sa bahay 'yung kanyang anak at 'yung stepfather,” ani Police Major Jose Hizon, commander ng Caloocan Police Substation 8.

Inamin naman ng suspek ang kanyang ginawa. “Lasing po ako noon. Sorry po. Tao lang po," aniya.

Desidido ang lola ng biktima na magsampa ng kasong statutory rape laban sa suspek.

Bukod pa rito, haharap din sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek, ayon sa pulis. —Joviland Rita/KG, GMA News