Nasawi ang isang babae matapos siyang barilin nang malapitan ng isang lalaki sa Barangay Old Balara sa Quezon City.

Sa ulat ng "24 Oras Weekend" nitong Sabado, mapapanood sa kuha ng CCTV ang paglalakad ng biktima nang may lumapit sa kaniyang isang bata na tila may itinuturo sa malayo.

Sinamahan ng biktima ang bata, at dito na nila nakasalubong ang suspek.

Pagkalingon ng lalaking suspek sa babae, malapitan na niyang binaril ang biktima.

Nagawa pang makatakbo ng babae pero hinabol siya ng suspek at muling pinagbabaril.

Nagtamo ang babae ng apat na tama ng bala, kung saan tumama sa kaniyang ulo ang isa, na dahilan ng kaniyang pagkasawi.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa pamamaslang at pagkakakilanlan ng suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA News