Sugatan ang isang lalaki sa Tondo, Maynila, matapos pinagtulungang saksakin ng tatlong suspek na pawang mga kabarkada niya.

Ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Lunes, nakuhanan ng isang CCTV ang insidenteng naganap pasado alas-12 ng madaling araw nitong Linggo.

Nagtamo ng tatlong saksak ang biktimang si Reynalo Aguldaaco sa kanyang likod, binti, braso at kamay. Kasalukuyan siyang nasa ospital kung saan siya nagpapagaling.

Samantala, nakilala ang tatlong suspek bilang sina Jervin Estanilla, Brian Ocresio alias “Yayang,” at Conrado Base alias “Junjun Sungay” — mga kaibigan umano ni Aguldaaco.

“‘Yun nga po, sila-sila magkakabarkada ‘yan. Inaalam pa namin kung ano pinagmulan ng away nila. Magkakaibigan ‘yan. ‘Yung tatlo saka ‘yung isinaksak na ‘yan,” ani Jonathan Corpuz ng Barangay 123.

Maging ang pamilya ng biktima ay walang ideya sa motibo ng mga suspek. Ngunit ayon sa kapatid ni Aguldaaco, kinuha ng tatlo ang dala nitong cellphone.

Patuloy pa ring inaalam ng mga otoridad ang kinaroroonan ng tatlong suspek na napag-alamang kalalaya lamang sa kasong pangho-holdap.

“Inaalam natin kung saan sila pumunta o nagpapalipas... wala pa kaming lead sa tatlo,” sabi ni Copuz.  —Sundy Locus/KBK, GMA News