Patay ang isang babaeng may tulak-tulak na stroller sa pamamaril sa New York City.

Sa isang video mula sa UB Express Overseas na inilabas sa Unang Balita nitong Biyernes, makikitang kinordonan ng mga awtoridad ang kalye kung saan binaril ang 22-anyos na babae na may dalang sanggol sa stroller.

Naisugod pa umano ang biktima sa ospital pero nasawi rin kalaunan dahil sa tama ng bala ng baril sa ulo.

Sa inisyal na ulat ng mga awtoridad, binaril umano ang biktima ng lalaking nakasuot ng itim na damit.

Ayon sa pulisya, ligtas naman ang anak ng babae na nasa stroller nang mangyari ang krimen.

Patuloy ang pagtugis ng mga pulis sa salarin. —LBG, GMA News