Isang maybahay na mula sa Iloilo ang nanalo ng P401 milyon jackpot prize sa GrandLotto 6/55 draw noong July 9, 2022, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa inilabas na pahayag, sinabing kinubra na ng ginang ang kaniyang premyo sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.

Mag-isang napanalunan ng ginang ang higit P401 milyon premyo nang makuha niya ang mga lumabas na numero na 02-18-49-07-19-47

Isang "lucky pick" tiket lang umano ang tinayaan ng ginang na nagkakahalaga ng P20.00.

“Sabi po ng asawa ko try ko raw po tumaya ng isa lang na lucky pick para maiba naman. Kung suwerte ka talaga mananalo ka kahit LP [lucky pick],” sabi umano ng ginang sa pahayag.

Ayon umano sa ginang, bukod sa tuwa ay nakaramdam sila ng kaniyang mister ng takot para sa kanilang seguridad dahil sa malaking premyong napanalunan.

Plano umano ng ginang na magtayo ng negosyo, at magbigay ng donasyon sa simbahan at ilang institusyon na tumutulong sa mga tao. --FRJ, GMA News