Natagpuan ang mga bangkay ng dalawang bata na nakasilid sa mga suitcase na binili ng isang pamilya sa isang online auction sa New Zealand.

Ayon sa ulat ng Reuters, natagpuan ang mga biktima nang suriin ng pamilya ang mga laman ng storage locker na kanilang binili sa Auckland.

Tinatayang nasa edad lima hanggang 10 ang mga bata at matagal na umanong patay, ayon sa pulisya nitong Huwebes.

Matagal na rin umanong nasa storage ang mga suitcase, ngunit hindi nagbigay ng karagdagang detalye ang pulisya.

Isinagawa na ng New Zealand police ang imbestigasyon sa Auckland noong nakaraang linggo.

Sinabi ni Detective Inspector Tofilau Faamanuia Vaaelua na patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng mga bata, ngunit naniniwala ang pulisya na nasa New Zealand ang pamilya ng mga biktima.

Posible ring hindi alam ng pamilya ang tungkol sa kanilang pagkamatay, dagdag pa niya.

Hindi rin nagdetalye ang pulisya kung paano namatay ang mga bata o kung may mga suspek sa krimen.

Hindi naman daw konektado ang pamilya sa pagkamatay ng mga bata. —LBG, GMA News