Nasawi ang isang pulis matapos siyang aksidenteng mabaril ng kaniyang kabaro na naglilinis ng armas nitong Miyerkoles sa San Pablo City, Laguna.

Sa ulat ng pulisya, kinilala ang biktima na si Police Corporal Fhrank Aldene Yasay Dela Cruz, 30 anyos, nakadestino sa San Pablo City at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Concepcion ng nasabing lungsod.

Nangyari ang insidente ng 8:30 a.m. sa barangay hall ng Brgy. 1-B sa San Pablo City, kung saan inilahad ng suspek na si Police Corporal George Mervin Cañete Duran na nililinis nila ang kanilang service firearms para sa isang inspeksyon, nang lumapit sa kaniya ang isa pa nilang kabaro at sinabing nagkapalit umano sila ng baril.

Naibalik sa suspek ang kaniyang baril, saka niya ito sinuri. Pero nang aalisin na niya ang load sa chamber, aksidenteng pumutok ang baril at tinamaan sa kanang dibdib si Dela Cruz.

Agad namang isinugod ng suspek, isa niyang kabaro at mga taga-barangay ang biktima sa Community General Hospital ng San Pablo City, Laguna para malunasan.

Gayunman, idineklara ng attending physician sa emergency room na dead on arrival ang biktima. —LBG, GMA Integrated News