Bistado at nabidyohan pa ang mahimbing na pagtulog ng tatlong pulis habang nasa duty nang mag-surprise inspection si Manila Police District Director Police Brigadier General Andre Dizon sa kanilang estasyon sa Maynila.

Sa isang video ng dzBB, na mapapanood din sa GMA News Feed, makikita ang mahimbing na pagtulog ng isang pulis na nasa bungad at ng dalawa pa niyang kasama sa loob ng Lawton PCP ng Station 5 Ermita Police Station nang datnan sila ni Dizon.

Hindi naalimpungatan ang mga pulis kahit na isa-isa na silang nilalapitan ng camera.

Mismong ang Police Brigadier General pa ang gumising sa kanila, bago sinermunan ang mga ito.

Nangyari ang surprise inspection ni Dizon ng bandang 4 a.m.

Hindi sinampahan ng administrative charges ang mga pulis na nakatulog, pero tinanggal sila sa Lawton PCP at inilipat sa Delpan Police Station.

Muling nagpaalala si Dizon na hindi dapat natutulog ang mga pulis na naka-duty.

Maaari namang umidlip kung hindi nila mapigilan ang antok, pero dapat mas marami ang gising na pulis sa estasyon.

Tanging ang desk officer lang ang nadatnang gising ni Dizon sa surprise inspection. —LBG, GMA Integrted News