Sugatan ang isang motorcycle rider matapos mabangga ng isa pang motorsiklo sa isang kalsada sa Camalig, Albay.

Sa ulat ni Jessica Calinog ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia ngayong Martes, makikita sa CCTV camera ang pagtigil ng isang motorsiklo sa gilid ng kalsada sa Barangay Salugan nitong nakaraang Linggo.

Makikita rin sa CCTV na matapos lamang ng ilang segundo dahan-dahan itong tumawid ngunit isa pang motorsiklo ang biglang sumalpok dito.

Nagtamo ng sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan ang nakabanggang rider na agad naman isinugod sa ospital.

Ayon sa ulat, itinuturing na accident prone ang kalsada bunsod ito ng tumataas na bilang ng aksidente na naitala sa lugar na kinasasangkutan ng mga motorista.

Dahil dito, nagpaalala ang awtoridad sa mga motorista na mag-ingat.

Nakipag-ugnayan na rin ang barangay sa iba’t ibang ahensya para malagyan ng mas malaking road sign ang lugar at maiwasan na ang mga aksidente.—Mel Matthew Doctor/LDF, GMA Integrated News