Nasawi ang isang 24-anyos na babaeng angkas nang mabangga ng truck ang sinasakyan niyang motorsiklo sa Caloocan City. Ang biktima, pumailalim at nagulungan, habang mapalad na nakaligtas ang rider. 

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras”, kinilala ang nasawing biktima na si Joyce Anne Vedasto, at ang nakaligtas niyang kapatid na si Jeffrey.

Makikita sa CCTV footage sa Barangay 168 ang nangyaring pagtumbok ng 10-wheeler truck sa motorsiklo ng magkapatid na nangyari sa kahabaan ng Deparo Street.

Makikita sa video na muntikan ding pumailalim sa truck si Jeffrey. Nabangga rin ng truck ang nakatigil na dump truck sa gilid ng kalsada.

“May bumulusok na truck galing sa itaas. Ngayon parang nabulaga siya imbes na mag-break siya, too late na kasi air break siya… ‘yung babae hinigop sa ilalim,” ayon kay Edman Tayco, saksi sa insidente.

Sinubukan pa ni Jeffrey at ilang tao sa lugar na patigilin ang truck ngunit nagtangka pa raw itong umabante.

Ayon sa ulat, papasok na raw sa eskwelahan ang biktima kung saan siya nagpa-practice teaching nang mangyari ang insidente.

Sasampahan ng murder ang drayber ng truck na si Rolly Escala, na kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya.

“Naniniwala po ‘yung witness na talaga sinadya o may intention na talaga pong sagasaan o patayin… atras-abante pa rin sila. Pinapakiusapan na pahintuin ang sasakyan,” ani North Caloocan Police Investigation chief Captain Dizon.

Depensa ni Escala, alam niya raw na may pumailalim sa truck pero nawalan umano siya ng preno.

Samantala, tumakas naman ang pahinante ng naturang truck. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News