Arestado ang isang holdaper umano ng mga remittance center matapos hindi matakot sa patalim at makipagsuntukan sa kaniya ang mga kahera na kaniyang biniktima sa Roosevelt Avenue sa Quezon City.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, kinilala ang suspek na si Mon Argel Bacoy, na dinakip ng Quezon City Police District Masambong Police Station 2 nitong Sabado ng umaga.

Sa video na ipinakita ng QCPD sa GMA Integrated News, mapapanood ang pagpalag at pakikipagbuno ng mga empleyada ng remittance center sa suspek.

Tiyempo namang may mga pulis sa kanilang standby point sa lugar ng Muñoz, kaya nakaresponde sila matapos ang tatlong minuto ng pagtawag ng isa sa mga empleyada.

Si Bacoy ang nasa likod umano ng mga holdapan sa mga remittance center sa lungsod.

"Dati na po akong pinagbibintangan sir, hindi ko po ginawa 'yun sir," sabi ni Bacoy.

Bago nito, pinasok na rin ni Bacoy ang pwesto ng mga teller sa isang remittance center sa Brgy. Baesa nitong Lunes.

Tinangay ng suspek ang nasa higit P20,000 sa kaha, at pinagnakawan niya rin ang isang customer na nasa waiting area.

Ilang saglit pa, pinapasok niya sa isang kwarto ang mga biktima, kabilang ang isang menor de edad na anak ng empleyado, bago siya tumakas. —LBG, GMA Integrted News