Nakuha sa CCTV ang pagsipat ng isang lalaki sa loob ng isang bahay, bago niya tangayin ang isang naka-charge na cellphone sa Caloocan City.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa 12th Avenue pasado alas-dose ng tanghali.

Kita sa CCTV ng bahay na dumaan ang suspek sa harap ng bahay na suot ang itim na t-shirt. Ilang saglit pa, bumalik siya at tila may sinisilip. Nakita niyang may dalawang aso lamang doon.

Muli uling sumilip ang lalaki at doon na niya kinuha ang isang naka-charge na cellphone na nagkakahalaga ng P11,000.

Malinaw na nahagip ng CCTV ang mukha ng suspek. Nakita din na naglakad lamang ang suspek na tila walang nangyari matapos ang pagnanakaw.

Ipina-blotter na ang insidente sa Brgy. 88. -Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News