Huli sa CCTV ang pamamaril sa isang rider sa Parañaque City nitong Linggo ng hatinggabi, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Lunes.

Naganap ang insidente sa panulukan ng E. Rodriguez Avenue at St. Francis Street sa Barangay Moonwalk, Parañaque City.

Sa video, makikitang nakatigil at may ka-text sa cellphone ang biktimang rider. Maya-maya pa, isang naka-park na taxi 'di kalayuan ang nag-maniobra.

Mula sa taxi, isang pasahero ang lumabas at dahan-dahang lumapit sa nakahintong rider. Maya-maya pa ay pinagbabaril na niya ang biktima.

Kita rin sa CCTV na may isa pang rider na kasabwat ang taxi at gunman na nakahinto sa katabing bangketa. Sumakay sa motor ang gunman at siya na ang nagmaneho nito paalis habang sumakay sa taxi ang kasabwat na rider.

Batay sa kuha ng CCTV, tumakas ang gunman patungo sa E. Rodriguez Avenue habang ang kaniyang kasabwat naman ay sa direksiyon ng Bicutan Exit tumakas.

Dead on the spot ang biktima, na taga-Caloocan daw batay sa ID na nakuha sa kaniya.

Tumangging magbigay ng pahayag sa harap ng camera ang mga kaanak ng biktima pero sinabi nilang bihira itong umuwi sa kanila. —KBK, GMA Integrated News