Dinakip ang isang food vlogger at kasama niyang tulak matapos silang mahulihan ng marijuana umano na nagkakahalaga ng P44,400 sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing inaresto ang tulak umano na si Gian Kalvert Paz at ang kabarkada niyang food vlogger na si Cassius Labatete.

Nakuha sa kanila ang 370 gramo ng marijuana.

Ayon sa pulisya, malaki na ang kanilang operasyon sa barangay at mga karatig-barangay, kaya itinuturo na rin sila ng mga nauna nang nahuli.

Iginiit ng food vlogger na si Labatete na gumagamit lamang siya pero hindi nagbebenta.

“Pampatulog lang. Puyat din kasi tsaka stressed sa pag-e-edit kaya kailangan ko rin ng pampakalma,” sabi ni Labatete.

Mahaharap ang dalawa sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News