Arestado ang isang lalaki  sa Quezon City matapos niyang pagbantaan umano ang kaniyang nobya na ikakalat ang kanilang mga pribadong larawan at video kung hindi ito magbibigay ng pera. Pero, giit ng suspek, naniningil lang siya ng utang.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, inilahad ng babaeng biktima sa pulisya na nag-chat ang kaniyang nobyo at pinagbibintangan siyang may iba siyang lalaki.

Humantong ang kanilang pagtatalo sa pagbabanta ng lalaki na ilalabas ang kanilang mga pribadong litrato at video kung hindi siya magbibigay ng pera.

“Noong umpisa po namin noon, ginawa niya po ‘yon, tapos hinayaan ko lang po. Ngayon, inulit po niya, hindi ko na po kinaya. Ipo-post niya raw po ‘yung mga intimate pics namin pagka hindi ko raw siya binigyan ng pera, tapos una pa raw niya ibibigay sa relatives ko po,” sabi ng biktima.

Dahil dito, nagsagawa ng entrapment operation ang mga pulis sa Cubao, Quezon City Miyerkoles ng gabi kung saan dinakip ang suspek.

Pinabulaanan ng suspek ang bintang sa kaniya, na sinabing sinisingil lang niya ang utang ng kaniyang nobya.

“Hindi po sir, kapalit lang po ng gift ‘yun sir. Bago kasi sila maligo noon, nanghiram sa akin ng P400, bale ‘yun na ang kabuuan, P2,000,” sabi ng suspek.

“Wala naman po eh, dati pa ‘yun. Wala, binura ko na po ‘yun, matagal na ho ‘yon,” sabi naman ng suspek tungkol sa mga pribadong larawan at video ng kanilang nobya.

Inihahanda na ang reklamo laban sa lalaki. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News